Pormal nang ipinag-utos ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP sa lahat ng mga regional directors sa buong bansa para sa pagkakasa ng mga checkpoints.
Ito’y bilang bahagi na rin ng inilatag na seguridad para sa pag-arangkada ng election period simula bukas, Enero 13 kaugnay ng 2019 midterm elections.
Saklaw ng naturang kautusan ang may 1,600 lungsod at bayan na lalatagan ng checkpoint sa pakikipag-ugnayan sa Comelec o Commission on Elections at AFP territorial unit sa lugar.
Inaatasan din ni PNP Chief Dir/Gen. Oscar Albayalde ang lahat ng regional directors na personal nilang pangunahan ang paglalatag ng mga checkpoint operations epektibo alas dose uno mamayang hatinggabi.
Magtatagal ang election period para sa 2019 midterm elections sa Hunyo 12 ng taong kasalukuyan.
PNP may paalala sa mga ikakasang checkpoint ngayong election period
Pinaalalahanan ng pambansang pulisya ang publiko hinggil sa mga ikakasang checkpoint ng mga law enforcement agencies tulad ng PNP at AFP sa iba’t ibang panig ng bansa.
Iyan ang inihayag ni PNP Firearms and Explosives Office Director C/Supt. Val De Leon kasunod na rin ng pagsisimula ng election period bukas, Enero 13.
Ayon kay De Leon, dapat tandaan ng publiko na ang isang lehitimong checkpoint ay nasa maliwanag na lugar at madaling makita ng mga motorist.
Tingnan kung may maayos itong signages at dapat ito’y pinamumunuan ng isang opisyal ng PNP na may kasama ring kinatawan mula sa COMELEC.
Paalala pa ni De Leon sa mga motorista, dapat ay plainview lamang at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpapabukas sa mga pintuan at trunk o baggage compartment ng mga sasakyan.
Payo ng PNP, dapat huminto, patayin ang headlight, buksan ang ilaw sa loob ng sasakyan at ibaba ang bintana kapag daraan sa mga checkpoint ng pulisya.