Patay ang isang drug suspek sa ikinasang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Mandaue City Cebu na nagresulta sa pagkakasabat ng halos 7 milyong pisong halaga ng iligal na droga.
Kinilala ni PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos ang napatay na drug suspek na si Jomar Espinoza, 27 anyos at residente ng Brgy. Tejero, Cebu City.
Napatay si Espinoza matapos makipagpalitan ng putok sa mga pulis na nagkasa ng operasyon habang nakatakas ang kasabwat nito na siyang tinutugis na rin sa kasalukuyan.
Nagawa pang dalhin sa Eversley Sanitarium si Espinoza dahil sa tinamo nitong sugat subalit hindi na ito umabot at idineklarang dead on arrival.
Narekober sa pinangyarihan ng engkwentro ang may 1000 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakalahalaga ng 6.8 million pesos.
Babala ni Carlos, hindi nila tatantanan ang pagsugpo sa iligal na droga na siyang salot sa lipunan at sumisira sa buhay gayundin sa kinabukasan ng mga kabataan.