Pinag-aaralan ni Senator Risa Hontiveros ang posibilidad na ilang airport personnel at officials, ang sangkot sa bagong modus na kumakalat ngayon na human trafficking ng mga Pilipino sa Myanmar.
Nag-ugat ito nang banggitin ni Hontiveros sa kaniyang privilege speech na ilang Pilipino ang nire-recruit sa Thailand bilang call center agent, ngunit pagdating sa nasabing bansa ay dadalhin sa Myanmar para magtrabaho bilang mga scammer sa isang Chinese syndicate.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, iniharap sa pagdinig ang isang biktima na alyas ‘Paulo’ na nagkwento ng proseso ng pag-recruit sa kaniya.
Dito napag-alaman ng senado na mayroong escort ang biktima na tumulong sa kaniya para mabilis na makalusot sa immigration, kung saan nagpanggap pa siyang empleyado ng airport at hindi bilang OFW o turista.
Ikinumpara naman ng senador ang bagong modus na mas malala, kumpara sa pastillas scam dahil mayroong umaasikasong opisyal sa mga biktima.
Samantala, sa pagdinig ay napag-alaman din na 74 pang Pilipino ang nabiktima ng modus, na humihingi ngayon ng tulong sa Department of Foreign Affairs (DFA) para makauwi sa bansa. - mula sa ulat ni Cely ortega-Bueno (Patrol 19)