Ikinalugod ng mga tagasuporta ng pamilya Duterte ang pagkakatanggal kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co bilang pinuno ng House Committee on Appropriations.
Ayon sa grupo, ‘karma’ umano ang nangyaring ito sa kanya dahil sa mga tirada ng mambabatas laban kay Vice President Sara Duterte.
Maaalalang inalis si Co bilang chairperson ng committee on appropriations noong Enero 13 matapos ang mosyon ni Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos na ideklarang bakante na ang nasabing posisyon.
Mabilis naman itong inaprubahan ni House Speaker Martin Romualdez.
Nabatid na sa parehong araw, naglabas naman ng pahayag si Co na nagsasabing nagbitiw siya sa puwesto dahil sa health concerns, na ayon sa mga netizens, ay paraan niya para ‘iligtas ang sarili’ sa kahihiyan dahil sa mga kontrobersiya sa national budget kamakailan.
Si Co ay kilalang kritiko ni Duterte.
Kung matatandaan, nagkaroon ng ‘word war’ ang dalawa dahil sa pambabatikos ni Co sa confidential funds ng opisina ni Duterte kung saan hinamon pa ng mamababatas ang bise presidente na ibalik ang umano’y ibinulsang pondo.
“Sunod-sunod na ang karma at pagkawatak-watak ng mga buwaya sa Kongreso. Malapit na ang katapusan ninyo,” komento ng isang netizen sa social media.
Kasabay nito, pinuri ng ilang netizens ang pagkakatanggal ni Co sa puwesto, at sinabing matagal na itong tapos dahil sa umano’y mga anomalya sa pagpasa ng 2025 national budget.
Nag-veto ng P194 bilyon si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ng mga line items na itinuring niyang hindi alinsunod sa kanilang programmed priorities nang pirmahan niya ang national budget noong nakaraang taon.
Iginiit din ng ibang netizens na panahon na rin para imbestigahan si Co tulad ng ginawa niya kay Duterte dahil sa umano’y naugnay siya sa iba pang malalaking iskandalo sa katiwalian, kabilang ang sinasabing kaso ng Pharmally.