Sinibak na sa puwesto ang Principal ng colonel Ruperto Abellon National High School sa munisipalidad ng Laua-An sa Antique.
Matatandaang nag-viral si Venus Divina Nietes sa social media matapos ipahubad sa mismong seremonya ang toga na suot ng mga magtatapos na senior high school students.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na ang pagsibak sa prinsipal ang agarang naging aksyon ni Department of Education Secretary Sonny Angara matapos ang insidente alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Castro, bagama’t maaari pa ring magturo ang nasabing guro sa ibang paaralan, sasailalim ito sa behavior evaluation.
Sa nag-viral na video, mapapanood ang pag-anunsyo ng principal sa stage na hindi dapat magsuot ng toga ang mga magsisipagtapos batay sa DEPED guidelines na gawing simple ang seremonya.
Iniutos nito sa graduating students na huwag mag-toga pag-akyat sa entablado, na inalmahan ng ilang estudyante at kanilang mga magulang.
Sumunod naman ang ilang mag-aaral, pero narinig ang pagsigaw ng mga tutol sa utos ng principal.—sa panulat ni Jasper Barleta