Inatasan ng liderato ng National Task Force on COVID-19 ang agarang pag-aksyon ng regional at provincial Inter-Agency Task Force (IATF) hinggil sa naitalang unang kaso ng virus sa Batanes.
Ani Chief Implementer Secretary Carlito Galvez Jr., dahil sa pangyayari, mas makabubuting pasimulan na agad ang pagsasagawa ng surveillance case finding.
Bukod pa rito, dapat din aniyang isailalim sa swab testing ang mga nakasalamuha ng naturang coronavirus disease 2019 (COVID-19) patient para matiyak na hindi na kakalat pa ang banta ng virus.
Paliwanag ni Galvez, kaya itong matugunan ng provincial government, lalo’t isa pa lang ang nagpopositibo sa COVID-19.
Sa huli, binigyang diin ni Galvez na dapat na maging maagap ang mga opisyal ng lalawigan ng Batanes, para masigurong mapipigilan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.