Sinupalpal ng rights group na Hustisya ang pagkakatalaga kay Eduardo Año bilang bagong Interior Secretary.
Ayon kay Hustisya Chairperson Evangeline Hernandez, hindi na mabubura ang madugong record ng paglabag sa karapatang pantao ni Año noong pinuno pa ito ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Lalo aniyang magkakaroon ng dahilan ang kalihim para pumatay at mang-aresto ng mas maraming indibidwal.
Iginiit ni Hernandez na si Año ang pangunahing magiging tagapagpatupad ng mas brutal na extra judicial killings (EJK’s) sa ilalim ng ‘war on drugs’ ng administrasyong Duterte at crackdown sa mga aktibista at mga miyembro ng mga progresibong grupo.
Ang pagkakatalaga din aniya sa dating Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay babala sa publiko na maging mas mapagbantay sa pagtatanggol sa kanilang mga karapatan.