Nilinaw ng Philippine National Police (PNP) na walang kinalaman sa e-sabong ang pagkakawala ng mahigit 100,000 pisong pondo ng Naic Municipal Police Station mula sa kanilang Finance Officer.
Ayon kay PNP Spokesperson, P/Col. Jean Fajardo, lumabas sa imbestigasyon ng CALABARZON PNP gayundin ng Landbank of the Philippines na nabiktima ng Cyber Phishing si P/SMSgt. Haidee Sabas dahil sa kahina-hinala ang e-mail na natanggap nito nang mangyari ang krimen.
Dahil dito, pinagsumite na si Sabas ng mga kinakailangang dokumento para gamiting ebidensya gayundin ay upang maibalik din ang nawalang pera.
Kasunod nito, nagpaaalala si Fajardo sa publiko na maging maingat lalo pa’t maging ang mga Pulis ay walang ligtas sa pambibiktima ng mga kawatan sa Cyberspace.
Kailangang magtalaga ng matibay na password ang mga Pulis na humahawak ng kanilang pondo gayundin ay iwasang kumonekta sa mga public wifi upang hindi sila matunton. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)