Nanghihinayang ang Malakaniyang sa ginawang pagsibak ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Vice President Leni Robredo bilang Co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Presidential spokesperson Atty. Salvador Panelo, ang alok aniya ng Pangulo kay Robredo ay isang magandang pagkakataon upang magkaisa ang administrasyon at oposisyon sa iisang layuning supilin ang problema ng bansa sa iligal na droga.
Dagdag pa ni Panelo, tila sinayang umano ni Robredo ang pagkakataon na mas mapaganda pa ang kampaniya ng iligal na droga kung ipinakita lamang nito na maaari siyang pagkatiwalaan.
Binigyang diin pa ni Panelo na sa halip aniya kasing magtrabaho at maghanap ng solusyon, mas pinili umano ni Robredo na magsalita sa harap ng media at sa mga dayuhan para ihayag ang kaniyang mga plano na hindi naman natupad.
Sa huli, sinabi ni Panelo na ngayong napagbigyan na ng Pangulo ang hirit nila Robredo at ng kampo nito na sibakin siya sa puwesto, makabubuting ibaon na lamang sa limot ang usapin at mag-move on na lamang.—ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)