Diringgin na ng Korte Suprema simula ngayong araw ang dalawang petisyon laban sa desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na kumalas ang Pilipinas sa International Criminal Court (ICC).
Una rito ay ang pagkuwestyon ng mga minority senator sa kawalan ng concurrence ng two-thirds ng Senado sa pagkalas sa ICC gayong kailangan ito matapos ratipikahan ang Rome Statute.
Ayon kay Atty. Ray Paolo Santiago, chairman ng Philippine Coalition for the International Criminal Court, kapritsuhan at walang batayan ang pasya ni Pangulong Duterte na kumalas ang Pilipinas sa ICC.
Nanindigan naman ang Office of the Solicitor General (OSG) na may kapangyarihan ang pangulo na kumalas sa ICC kahit hindi aprubado ng Senado at kailangan lamang ng Senate concurrence kung papasok sa bagong international obligation.
Inaasahang haharap sa korte ang Solicitor General at mga petitioner na kinabibilangan ng nakapiit na si Senador Leila De Lima na umaasa namang papayagang makadalo sa pagdinig kahit sa pamamagitan na lamang ng live video.
—-