Kumbinsido si Presidential Spokesman Harry Roque na ang pagkalas ng Pilipinas sa International Criminal Court o ICC ang simula ng wakas para sa pandaigdigang korte.
Sigurado aniyang wala nang iba pang bansa sa Asya ang susunod sa yapak ng Pilipinas na maging miyembro ng ICC.
Posible rin aniya na maging hudyat ang pagkalas ng Pilipinas para magsunuran na rin ang iba pang bansang kasapi ng ICC.
Pinuna ni Roque ang aniya’y malimit na paglabag ng ICC sa complimentary rule tulad ng ginawa nilang preliminary investigation kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim aniya ng complimentary rule, puwede lamang kumilos ang ICC kapag hindi na gumagana ang mga korte sa isang bansa at wala nang ibang susulingan ang mga gustong magreklamo.
Aminado si Roque na isa siya sa mga nagsulong para maging bahagi ng ICC ang Pilipinas.
Gayunman, suportado aniya niya ang pagkalas ng Pangulong Rodrigo Duterte sa ICC.
Sa katunayan, dalawang beses na rin aniya siyang nagsalita sa assembly ng ICC para iparating ang obserbasyon niya sa paglabag sa complimentary rule.
—-