Hindi permanente ang magiging pagkalas ng Pilipinas sa MCC o Millennium Challenge Corporation ng U.S. o Estados Unidos sa Amerika.
Iyan ang paglilinaw ng Malakaniyang makaraang ihayag mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkalas ng Pilipinas para bigyang prayoridad ang rehabilitasyon ng Marawi City.
Paliwanag ni Presidential Spokesman Harry Roque, pansamantala lamang ang magiging pagkalas ng Pilipinas sa MCC na kasalukuyang nasa second cycle at maaari pa rin naman itong bumalik kapag naging maayos na ang sitwasyon sa bansa.
Magugunitang tumanggap ng mahigit 343 na milyong Dolyar ang Pilipinas sa MCC nuong 2010 para pondohan ang tatlong mga pangunahing proyekto.
Ilan sa mga proyektong ito ay ang pagkukumpuni sa mahigit dalawandaang kilometrong kalsada sa Samar, Kahali Development Project at ang mahigit 54 na milyong Dolyar na puhunan para sa automation ng BIR o Bureau of Internal Revenue.