Dumistansya ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa paglabas ng isang alert message na natanggap ng mga nasa Sofitel plaza kung saan naghahain ng Certificate of Candidacy ang mga tatakbo sa 2022 National Elections.
Inamin ni NDRRMC spokesperson Mark Timbal na ikinagulat nila ang nasabing alert message lalo’t ang pagpapadala ng mga ito ay nakasalig sa Republic Act 10639 o ang Free Mobile Disaster Alerts Law
Gayunman, sinabi ni Timbal na maging ang mga telco ay itinangging sa kanila nanggaling ang alert messages kaya’t umaasa silang masasagot naman ito ng National Telecommunications Commission (NTC)
Sa ilalim ng nasabing batas, ipinabatid ni Timbal na ang pagpapadala ng disaster alerts ay kinakailangang partikular sa panganib, lugar at oras kung kailan dapat tatama ang kalamidad o sakuna
Magugunitang nagkagulatan sa Sofitel plaza tent nang makatanggap ng alert message ang mga tao roon ilang sandali bago maghain ng kaniyang kandidatura si dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos Jr.—mula sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)