Aminado ang Philippine National Police o PNP na pahirapan para sa kanila ang pagmomonitor sa paglabas ng mga hindi bakunado kontra COVID-19 partikular na ang mga menor de edad.
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Dionardo Carlos, nababahala sila sa pagkalat ng mga bata sa pampublikong lugar at nakikihalubilo pa sa ibang mga tao.
Paliwanag ni Carlos, hindi nila makokontrol ang galaw ng mga bata lalo pa’t kasama ng mga ito ang kanilang mga magulang.
Bukod pa sa pinapayagan naman ang paglabas ng mga bata kasama ang kanilang mga bakunado nang magulang sa ilalim ng Alert Level 2 at 3.
Kaya naman muling umapela ang PNP Chief lalo na sa mga magulang ng mga bata na ingatan ang kanilang mga anak at sumunod sa health protocols upang maiwasan pa rin ang pagkalat ng COVID-19.