Pinag-iingat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang publiko laban sa panibagong modus ng ilang mapagsamantala.
Ayon kay DILG spokesman Usec. Jonathan Malaya, nagpapakilala ang mga kawatan na contact tracers at nanghihingi ng ilang mahahalagang impormasyon tulad ng bank account at detalye ng credit card.
Susundan pa aniya ito ng mga pang-uusisa hinggil sa personal financial information ng bibiktimahin at saka sasabayan ito ng paniningil para sa kanilang serbisyo.
Kapag aniya tumanggi ang bibiktimahin na ibigay sa mga umano’y contact tracer ang hinihinging impormasyon, tatakutin ito na mahaharap sa kaukulang parusa.
Batay sa natanggap nilang impormasyon, sinabi ni Malaya na nag-ooperate aniya ang mga kawatang ito sa Pampanga at ilan pang mga lugar sa gitnang Luzon.
Giit pa ni Malaya, tanging ang mga health officer sa bawat lokal na pamahalaan lamang ang awtorisadong contact tracers at tanging ang mga tanong tungkol sa COVID-19 lamang ang kanilang itatanong.
Hindi aniya ito kailanman maniningil para sa kanilang serbisyo kaya’t sakaling makasalamuha ng ganito ay agad ipagbigay alam lamang sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya para magawan ng agarang aksyon.