Isinalang na sa imbestigasyon ang pagkamatay ng labing apat (14) na batang nabakunahan ng dengvaxia.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, posibleng ilabas ng binuo nilang panel of experts ang resulta ng imbestigasyon sa susunod na isa hanggang dalawang linggo.
Apat lamang aniya sa labing apat na bata ang kumpirmadong nasawi sa dengue subalit minabuti ng panel na siyasatin na rin ang sa iba pa.
Sinabi ni Duque na ilan sa labing apat (14) na sinisiyasat ng panel ay nasawi dahil sa lupus at meningococcemia.
‘Dengvaxia monitoring desks’
Magsasanib puwersa ang Volunteers Against Crime and Corruption o VACC at Public Attorney’s Office o PAO para magbigay tulong sa mga biktima ng anti- dengue vaccine na dengvaxia.
Alas-9:00 ngayong umaga inaasahang magtutungo sa tanggapan ng PAO sa Quezon City ang ilan sa mga pamilya ng mga biktima para mabigyan ng libreng serbisyong medikal at legal.
Kasunod nito, ilulunsad din ng VACC ang kanilang dengvaxia monitoring desk na ilalagay nila sa tatlong rehiyon sa bansa kung saan napaulat ang mga kaso ng pagkasawi ng ilang kabataan matapos mabakunahan ng nasabing gamut.
Partikular na tinukoy ni VACC Founding Chairman Dante Jimenez ang nasabing mga lugar sa Regions 3 o Central Luzon, Region 4-A o CALABARZON at National Capital Region o NCR kung saan, katuwang din nila ang mga health workers mula sa Department of Health o DOH.
—Jaymark Dagala