Pina-iimbistigahan na ni Philippine National Police o PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa ang pagkamatay ng isang miyembro ng Abu Sayyaf sa Bohol, isang araw matapos syang maaresto.
Ayon kay Chief Supt. Noel Talinio, hepe ng PNP Region 7, inatasan na nya ang provincial office ng PNP sa Bohol na pangunahan ang imbestigasyon lalo na sa mga pulis na kasama ni Saad Samad Kiram nang ito ay mapatay.
Ipinaliwanag ni Talinio na walang kulungan sa provincial office ng PNP kaya’t dadalhin sana nila sa District Jail si Saad matapos itong sumalang sa imbestigasyon na nagtapos dakong 2:00 na ng madaling araw.
Napatay na miyembro ng Abu Sayyaf nang agaw umano ng baril
Napatay ng mga pulis ang miyembro ng Abu Sayyaf, isang araw matapos itong maaresto sa Tubigon Bohol.
Ayon kay Chief Supt. Noli Talinio, hepe ng PNP Region 7, inagawan ng suspect na si Saad Samad Kiram alias Saad ang isa nilang pulis kaya’t napilitang barilin ito ng mga pulis.
2:00 ng madaling araw ng Biyernes nakatakda sana anya nilang ilipat sa BJMP District Jail si Saad subalit nagpa-alam itong pupunta ng palikuran dahil sa sakit ng kanyang tiyan.
Gayunman, sa halip na sa comfort room magtungo ay tumakas na itong si Saad.
Halos dalawang (2) oras ring tumagal ang habulan bago nasukol ng mga pulis si Saad at dito na naganap ang pang-aagaw nya ng baril.
Militar may hawak nang mahalagang impormasyon hinggil sa Abu Sayyaf sa Bohol
May hawak nang mahalagang impormasyon ang militar hinggil sa Abu Sayyaf sa Bohol.
Nakuha di umano ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang mga impormasyon kay Saad Samad Kiram alias Abu Saad, ang miyembro ng Abu Sayyaf na naaresto ng Huwebes pero napatay ng Biyernes matapos na magtangkang tumakas.
Boluntaryo di umanong ikinumpisal ni Saad ang hinggil sa kanilang mga plano, ang komposisyon ng kanilang grupo at kung ano ang mga kaya nilang gawin.
Nakumpirma rin umano ng militar at pulisya kay Saad na watak-watak na ang grupo nilang nagtungo sa Bohol dahil sa sunod-sunod na operasyon ng otoridad laban sa kanila.
Si Saad ang miyembro ng Abu Sayyaf na ire-rescue sana ni Supt. Maria Cristina Nobleza at lover nitong ASG member na si Renoor Lou Dongon subalit nahuli sila ng otoridad.
Sa ngayon, dalawang (2) sugatang Abu Sayyaf member na lamang sa Bohol ang pinaghahanap ng otoridad.
By Len Aguirre |With Report from Jonathan Andal