Inatasan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana ang Philippine Army na tiyakin ang patrato ng may dignidad sa labi ng 22 anyos na rebeldeng si Jevilyn Cullamat.
Ito’y makaraang mapatay ng Militar si Jevilyn na anak ni Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat sa nangyaring engkuwentro sa Brgy. San Isidro, Marihatag sa Surigao del Sur nitong Sabado.
Kahit nagmula sa kalaban, sinabi ni Lorenzana na agad nakuha ng mga sundalo any bangkay ng batang Cullamat upang ihatid ito sa kaniyang pamilya nang mabigyan ng disenteng libing.
Pinatitiyak din ng kalihim sa Army na mabigyan ng kaukulang seguridad ang pamilya Cullamat kaya’t mahigpit na aniya itong nakikipag-ugnayan.
Binigyang diin pa ng kalihim na ang sinapit ni Jevilyn ay dapat magsilbing paalala sa lahat na walang mabuting idudulot ang armadong pakikibaka na isinusulong ng rebeldeng kilusan.
Kaya naman umapela si Lorenzana sa lahat ng miyembro ng Makabayan Bloc sa Kamara na kondenahin ang walang habas na pagpatay ng Bagong Hukbong Bayan sa kapwa nila Pilipino at talikuran na ang maling paniniwala. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)