Itinuturing ng Bureau of Jail Management and Penology o BJMP na isolated case lamang ang nangyaring pagkamatay ng Manila City Jail detainee na tinamaan ng sakit na “flesh-eating bacteria”.
Ayon kay BJMP Spokesperson Senior Inspector Xavier Solda, dati nang may sakit ang nasawing bilanggo na si Gerry Baluran bago pa ito inilapit sa kanilang detention facility.
Pagtitiyak ni Solda, maayos ang kanilang pasilidad sa Manila City Jail kaya’t walang dapat na ikabahala ang pamilya ng mga Persons Deprived of Liberty o PDL na nakapiit doon.
Hindi naman aniya isinasawalang bahala ng BJMP ang kaso ng pagkamatay ng isang detainee na nasa ilalim ng kanilang pangangasiwa.
Paliwanag ni Solda, kapag may isang PDL na inililipat sa kanilang pasilidad, agad nilang tinitingnan ang medical records nito upang malaman kung kailangan itong maihiwalay ng bilangguan.