Pinaiimbestigahan ni Sen. Riza Hontiveros sa Commission on Human Rights (CHR) at philippine National Police (PNP) ang pagkamatay ng isang dating sundalo sa kamay ng pulis sa isang checkpoint sa Quezon City.
Ayon sa Senadora, walang maaaring gamiting palusot sa ganuong uri ng kalupitan at karahasan lalo’t marami aniya sa mga may problema sa pag-iisip ang nalalagay din sa ganitong sitwasyon.
Magugunitang binaril hanggang sa napatay ni Police Msgt. Daniel Florendo si retired Cpl. Winston Ragos makaraang sitahin ito sa quarantine checkpoint sa Brgy. Pasok Putik sa nabanggit na lungsod, Martes ng nakalipas na linggo.
Habang binibigyang babala umano ng pulisya ang biktimang si Ragos, umakma umano itong may bubunutin sa kaniyang bag na siyang dahilan para unahan siya ng putok ng pulis na nagresulta sa pagkamatay nito.
Batay sa ulat ng pulisya, may bitbit na kalibre 38 baril umano ang biktima sa kaniyang sling bag, bagay na mariing itinanggi naman ng mga kaanak nito.