Pinasisiyasat na ni Justice Secretary Menardo Guevarra sa National Bureau of Investigation (NBI) ang insidente ng pagpatay sa isang hukom sa loob mismo ng opisina nito sa Manila City.
Ayon kay Guevarra, kanya nang inatasan ang NBI na magsagawa ng parallel investigation, bagama’t lumalabas na personal ang dahilan ng nangyaring pagpatay kay Manila Regional Trial Court Branch 45 Judge Maria Teresa Abadilla.
Sinabi ni Guevarra, may implikasyon o epekto pa rin kasi aniya sa personal na seguridad ng mga hukom at justices sa bansa ang pangyayari.
Samantala, ipinag-utos naman ni Supreme Court Chief Justice Diosdado Peralta kay Court Administrator Jose Midas Marquez ang pagtiyak sa pagpapatupad ng mahigpit na sseguridad sa mga lugar ng korte.
Ito ay upang maiwasan na aniyang maulit pa ang katulad na insidente.
Noong Miyerkules, Nobyembre 11, sinasabing binaril si Judge Abadilla ng kanyang sariling Clerk of Court na kinilalang si Amador Rebado Jr., bago ito nagbaril sa sarili.