Pinaiimbestigahan ni Philippine National Police (PNP) chief police general Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagkamatay ng isang development worker na sinasabing dinukot noong isang taon.
Pinaniniwalaang dinukot ang biktimang si Elena Timajo na coordinator ng Farmers Development Center-Central Visayas (FARDEC) sa Bantayan Island, Cebu noong isang taon, subalit napaulat na namatay sa Mandaluyong City nitong Agosto.
Nabatid na sumailalim sa operasyon si Timajo bago siya nasawi.
Ipinag-utos ni PGen. Eleazar sa kinauukulang mga yunit ng pulisya na magkasa ng malalimang imbestigasyon at alamin kung ano ang nangyari kay Timajo.
Sinabi pa ni Eleazar na handang tumulong ang awtoridad sa pamilya para maiuwi ang labi ni Timajo sa lalong madaling panahon.
Nanawagan ang PNP chief sa mga mayroong nalalaman sa umano’y pagdukot at pagkamatay ni Timajo ay maaaring ipagbigay-alam lamang sa pulisya para makatulong sa pagbibigay linaw sa insidente.