Iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagkamatay ng isang 18 anyos na lalaking may autism matapos umanong barilin ng isang pulis at t’yaka kinaladkad patungo sa nilusob na ilegal na tupadahan sa Valenzuela City.
Ayon kay Mayor Rex Gatchalian, iginigiit kasi ng pamilya ng biktimang si Erwin Arnigo na wala ito sa tupadahan ng barilin ng pulis kundi nasa malapit sa Homeowners’ Association Office.
Dinamba umano ito ng pulis at doon binaril at t’yaka hinila patungo sa tupadahan.
Hindi pa umano agad nagawang itakbo sa ospital si Erwin dahil hinarangan umano ng mga pulis ang ama nito at kapatid na sasaklolo sana sa biktima.
Sa ngayon aniya ay nasa kustodiya na ng Valenzuela Chief of Police ang lahat ng pulis na sangkot sa nasabing operasyon.