Tiniyak ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kanilang titignan ang sitwasyon sa likod ng pagkamatay ng 3 buwang gulang na anak ng nakapiit na aktibistang si Reina Mae Nasino.
Ayon kay Roque, batid nilang sa batas ay itinuturing na inosente ang isang akusado hangga’t hindi pa napatutunayang nagkasala at nahatulan.
Kabilang aniya sa kanilang pag-aaralan ay ang mga ipatutupad na reporma para maiwasan na ang mga katulad na insidente.
Magugunitang, isang araw matapos isilang ni Nasino ang anak na si baby River noong Hulyo 1, agad siyang ibinalik sa Manila City Jail kasama ang kanyang supling.
Dahil dito, hiniling ni Nasino sa korte na payagan siyang at kanyang anak na manatili sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital o prison nursery sa Manila City Jail hanggang sa mag-isang taon ito.
Gayunman, ibinasura ng korte ang mosyon ni Nasino dahil sa kakulangan umano ng resources ng Manila City Jail para tanggapin ang mag-ina.
Nagkasakit si River at ilang buwang na-confine sa ospital bago nasawi dahil sa pneumonia noong Oktubre 9.