Pina-iimbestigahan ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pagkamatay ni UST Freshman Law Student Horacio Castillo III dahil umano sa hazing.
Nais mabatid ni Zubiri sa inihaing Senate Resolution 504 kung sinu sino ang mga dapat managot sa pagkamatay ni Castillo na sinasabing sumailalim sa welcome rites ng Aegis Juris Fraternity ng UST.
Isinulong pa ni Zubiri sa kaniyang resolusyon ang pagtutulungan ng PNP, prosecutors at husgado para buksan at makita ang record ng mga namamatay dahil sa hazing sa nakalipas na 10 taon.
Naghihinala si Zubiri na nananatiling unsolved ang mga nasabing kaso dahil sa proteksyong ibinibigay sa mga suspek ng kanilang mga brod nasa PNP at Korte.
Iginiit naman ni Senador Gregorio Honasan ang mahigpit na pagbabantay ng lahat ng sektor para hindi na maulit ang pagkamatay ng mga kaawa awang estudyante dahil sa hazing.
Si Honasan ay namatayan ng kapatid dahil sa fraternity hazing.
SMW: RPE