Pina-iimbestigahan na rin sa Senado ang pagkamatay sa kulungan ng isang lalakeng inaresto sa operasyon ng pulisya kontra tambay subalit kalaunay ikinulong dahil sa kasong alarm and scandal.
Ang Senate Resolution No. 772 na inihain ni Senador Bam Aquino ay humihiling sa Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na imbestigahan ang pagkamatay ni Genesis ‘Tisoy’ Argoncillo.
Ayon kay Aquino, maraming detalye ang hindi tumutugma lalo na sa pabago-bagong pahayag ng pulisya.
Pinuna ni Aquino na unang sinabi ng PNP na nasawi si Tisoy dahil sa sugat na siya mismo ang may gawa habang nagwawala sa loob ng kulungan.
Nang lumabas ang awtopsiya, ipinaliwanag ng PNP na binugbog ng kanyang mga kapwa preso si Tisoy dahil madalas itong magwala.
Una nang naghain ng resolusyon para imbestigahan ang pagkamatay ni Tisoy si Congressman Kit Belmonte.
—-