Pinag-aaralan ng Metro Manila mayors ang pagkansela sa nakagawiang Christmas parties sa iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan ngayong taon.
Ito ay sa gitna na rin ng nararanasang krisis hindi lamang ng bansa kundi ng buong mundo dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Metro Manila Council Chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, maaaring magpalabas ng direktiba ang mga alkalde upang maipagbawal muna ang Christmas party na maituturing ding mass gathering.
Bukod aniya sa ipinagbabawal sa guidelines ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagtitipon-tipon, hindi rin aniya prayoridad ang pagpapa-party habang nasa gitna pa ng pandemic ang bansa.