Tanggap ni Chief Inspector Jovie Espenido ang pagkakansela ng kanyang assignment bilang hepe ng Iloilo City Police Office.
Ayon kay Espenido, wala naman aniya siya magagawa kundi ang sumunod sa anumang iuutos sa kanya.
Nabanggit din ni Espenido na hindi pa niya natatapos ang kanyang trabaho sa Ozamiz City tulad na lamang ng pagdakip sa kapatid ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. at umano’y leader ng Martilyo Gang na si Ricardo Ardot Parojinog.
Bukod dito, kailangan pa aniyang i-turn over ang ibang pang kasong kanyang hinawakan sa Ozamiz City bago mailipat ng lugar.
Matatandaang iginiit ni Police Regional Office 6 Spokesperson Supt. Gilbert Gorero na hindi pa kuwalipikado si Espenido bilang Chief of Police ng Iloilo City dahil dalawang beses na mababa pa ang ranggo nito para sa kinakailangang senior superintendent.
PNP’s statement
Hindi na matutuloy ang pagpapalipat kay Police Chief Inspector Jovie Espenido bilang hepe ng Iloilo City Police.
Ito ay kasunod na rin ng pagkakapatay sa number one drug lord ng Western Visayas na si Richard Prevendido.
Ayon kay PNP o Philippine National Police Chief Director General Ronald Dela Rosa, nakansela ang appointment ni Espenido sa Iloilo City dahil ayaw aniya ng mga taga-Ozamiz City na maalis ito sa kanilang lugar.
Ani Dela Rosa, nangangamba ang mga taga-Ozamiz dahil nananatili pang malaya ang kapatid ni Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na si Ricardo Ardot Parojinog.
Kaugnay nito, nanawagan ang Malacañang sa publiko na irespeto ang naging desisyon ng PNP.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, ang naging desisyon ng PNP ay alinsunod sa kanilang sinusunod na polisiya at patakaran sa paglilipat at pagtatalaga ng kanilang mga tauhan.
By Krista de Dios