Hindi pa tuluyang mapapawalang bisa ang peace negotiations kahit i-terminate ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o JASIG.
Ayon kay Fidel Agcaoili, Chairman ng Peace Negotiating Panel ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP), tanging ang JASIG ang ibinasura sa inilabas na notice ni Presidential Peace Adviser Jesus Dureza at hindi ang peace negotiations.
Bagaman nakapagtataka anya ang hakbang ng gobyerno, maihahalintulad pa rin ang epekto nito sa pagwawakas ng usapang pangkapayapaan.
Inihayag ni Agcaoili na natanggap na nila ang kopya ng notice ni Dureza sa pamamagitan ng e-mail.
Ang JASIG at peace talks ay ikinukunsiderang “officially terminated” tatlumpung (30) araw matapos kilalanin ng sinuman mula sa magkabilang panig.
‘All-out war’
Samantala, sinupalpal ni Agcaoili si Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa deklarasyon nitong maglulunsad ng all-out war ang gobyerno laban sa mga rebeldeng komunista.
Ayon kay Agcaoili, hindi naman ito ang unang beses na nagdeklara ng all-out war ang pamahalaan laban sa mga rebolusyonaryo.
Maka-ilang beses na anya silang dumaan sa pakikipaglaban tulad na lamang sa panahon nina dating Pangulong Cory Aquino matapos ang 1987 Mendiola massacre at Joseph Estrada matapos naman ang paglagda sa Visiting Forces Agreement.
Iginiit ni Agcaoili na sanay na sila sa mga ganitong uri ng pagbabanta at sa halip na matakot ay ipagpapatuloy nila ang kanilang hangarin na gisingin ang diwa ng makabayang Filipino at makamtan ang tunay na kapayapaan sa bansa.
By Drew Nacino
Photo Credit: NDFP