Hindi malaking kawalan para sa Pilipinas ang pagkansela ng Amerika sa pulong ni US President Barack Obama kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Renato Reyes, Secretary General ng grupong BAYAN, dapat matuwa ang sambayanang Pilipino sa pagkakaroon ng Pangulo na lumalaban sa anumang porma ng panghihimasok sa bansa at hindi nagpapadikta sa mga dayuhan.
Wala anyang dapat ipangamba ang mga Pilipino dahil mananatili ang ugnayan ng Pilipinas sa Estados Unidos subalit malinaw na hindi kailanman magpapadikta ang Pilipinas sa US o sa kahit anong bansa.
Bahagi ng pahayag ni Renato Reyes ng grupong BAYAN
Una rito, kinansela ng US ang Obama-Duterte meeting makaraang murahin ng Pangulong Duterte si President Obama dahil sa hangarin nitong magtanong hinggil sa extrajudicial killings na nangyayari sa Pilipinas.
‘Diplomatic gap’
Samantala, dapat humingi na lamang ng paumanhin si Pangulong Rodrigo Duterte kay US President Barack Obama.
Ayon kay Professor Ramon Casiple, isang political analyst, hindi biro ang ginawang pagkansela ng Estados Unidos sa bilateral talks sana nina President Obama at Pangulong Duterte dahil mismong national security council ng Amerika ang nag-anunsyo nito.
Sinabi ni Casiple na hindi malayong magresulta sa diplomatic gap ang ginawang pagbatikos at pagmumura ng Pangulong Duterte kay President Obama dahil lamang sa kasama sa agenda ng pag-uusap ang extrajudicial killings.
Bahagi ng pahayag ni Prof. Ramon Casiple
By Len Aguirre | Ratsada Balita