Kinuwesyon ni Sen. Imee Marcos ang pagkapanalo ng isang dayuhang kumpaniya sa bidding na magpapatupad ng national ID system sa bansa.
Ayon sa Senadora, tiyak na malalagay sa peligro ang integridad ng halalan, bank service, healthcare insurance, contact tracing at paghahatid ng ayuda ng pamahalaan kung palpak ang national ID system.
Dahil dito, pinagpapaliwanag ni Marcos ang National Economic Development Authority (NEDA) gayundin ang Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil dito.
Batay sa natanggap na impormasyon ni Marcos, binago umano ang rules sa kalagitnaan ng bidding process kaya’t nanalo ang Indian company na madras security partners at mega data corporation na kilalang may bahid na ng kontrobersiya.
Ito ang dahilan kaya’t umatras ang iba pang bidder sa ginagawang selection process dahil gipit na sila sa panahon para baguhin at ayusin ang kanilang logistics at financial bid proposals upang makahabol sa deadline ng PSA.