Iginiit ng Department of Human Settlements and Urban Development ang kanilang panawagan sa mga mambabatas na magkaroon ng P36 billion Interest Subsidy Fund.
Ito’y upang masimulan ang pagtatayo ng mahigit isang milyong housing units para sa unang taon ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Layunin ng programa na matugunan ang housing backlog na inaasahang aabot sa 6.5 million units sa katapusan ng taon at posibleng tumaas pa sa 10.9 million sa pagtatapos naman ng taong 2028.
Ayon kay Human Settlements secretary Jose Rizalino Acuzar, malaki ang magiging kontribusyon ng nasabing proyekto sa Eight-point Economic Agenda ng Administrasyon, partikular sa paglikha ng trabaho.
Nasa 1.7M trabaho anya ang malilikha sa oras na simulan ang programa at batay sa kanilang datos ay nasa walong manggagawa ang kailangan para sa pagtatayo ng isang housing unit.
Binigyang-diin ni Acuzar na maaaring magresulta sa mas maunlad na “Economic Activities” sa 80 industriya sa housing sector sa sandaling umarangkada ang konstruksyon ng mga bahay.