Payag ang Pilipinas na magkasa ng joint patrols sa West Philippine Sea (WPS) at South China Sea kasama ang mga Amerikano, pero hindi ibig sabihin na makikiisa ito sa sigalot ng US sa China at sa Taiwan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni Professor Jay Batongbacal, Director ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na sa kaniyang pananaw ay hindi malalagay sa alanganin ang seguridad ng Pilipinas.
Aniya, inaasahan na gagawin ng bansa ang joint exercises dahil ka alyado nito ang US.
Dagdag pa ni Batongbacal na ang mensahe o makikita ng China sa hakbang ng bansa ay ang pagbabago sa polisiya ng kasalukuyang administrasyon kumpara sa Duterte administration kaugnay sa WPS.
Gayunpaman, makakatulong aniya ito para mabawasan ang tensyon sa Taiwan Strait at matiyak ang kaligtasan ng Pilipinas sa pamamagitan ng ligtas at maayos na paglalayag ng mga cargo vessel sa mga karagatang bahagi ng Timog Silangang asya.