Nababahala ang pamahalaan sa pagkasabik ng publiko sa unti-unting pagluluwag ng quarantine protocols na ipinatutupad sa buong bansa.
Ito’y makaraang isailalim na sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang nasa pitong lugar sa bansa habang ang karamihan ay inilagay naman sa general community quarantine (GCQ).
Ayon kay National Task Force Against COVID-19 Spokesperson Ret. M/Gen. Restituto Padilla, dapat ay manatiling mahinahon at mag-ingat pa rin ang lahat upang hindi na sapitin pa ng Pilipinas ang ikalawang sigwada ng pagkalat ng virus.
Mula nang maging epektibo ang MECQ sa Metro Manila, kapansin-pansing dumami ang mga pribadong sasakyan na tumatahak sa EDSA partikular na sa Balintawak Area papasok sa North Luzon Expressway (NLEX).
Kabilang sa mga isinailalim sa MECQ ang Metro Manila, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Zambales at Laguna habang nananatili namang ECQ sa Cebu City at Mandaue City.