Isinisisi ng isang military official sa mga rebeldeng komunista ang muling pagkakasama ng Pilipinas sa mga bansang pinakabantad sa terorismo.
Ito ay matapos muling sumampa sa pang-10 ang ranggo ang Pilipinas sa Global Terrorism Index ngayong 2019.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Deputy Chief of Staff for Civil-Military Operations Major General Antonio Prlade Jr., nagtagumpay ang CPP-NPA-NDF at mga kaalyado nitong grupo para muling mailagay sa nabanggit na puwesto ang Pilipinas.
Dagdag pa ni Parlade, nakakagalit pa aniyang halos nasugpo na ng AFP ang problema sa terorismo ng Abu Sayyaf group sa Mindanao pero hindi pa rin bumaba ang puwesto ng Pilipinas sa nabanggit na listahan.
Ito aniya ay bunsod naman ng mga mararahas na pag-atake ng mga komunista sa iba’t bang bahagi ng Pilipinas bilang bahagi ng kanilang walang saysay na kampanya para masira ang kapayapaan sa bansa.
Iginiit pa ni Parlade, mismong ang mga rebeldeng grupo pa ang pumapatay sa kanilang mga tumiwalag na nilang miyembro at isisisi sa gobyerno.