Isinisisi ng DILG o Department of Interior and Local Government sa anila’y mga sakim na may-ari ng mga negosyo at establisyimento sa Boracay ang problema sa sewerage system at basura sa nasabing isla.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DILG Assistant Secretary for Plans and Programs Epimaco Densing III na isang opisyal ng isang hotel sa Boracay ang nangharass at nanakot pa ng mga opisyal ng DILG na nagtatanggal ng mga istraktura na nakasisira sa paligiran ng isla.
Ayon kay Densing, maituturing na mga bully at oligarch ang mga nasabing negosyante na nagpapakita ng kanilang kayabangan at pagsuway sa kautusan ng mga opisyal ng pamahalaan.
Kasabay nito, nakiusap si Densing sa mga may-ari ng mga hotel at negosyo sa Boracay na makipagtulungan sa pamahalaan kaugnay ng planong pagpapasara sa isla sa loob ng 60 araw.
Iginiit ni Densing na hindi ikalulugi ng mga nasabing negosyante ang pagpapasara sa Boracay nang dalawang buwan lalo at bilyon na aniya ang kinita ng mga ito.