Maihahambing na sa pagkawasak ng Syria, Aleppo, Mosul at iba pang mga bansang may digmaan sa Gitnang Silangan ang ilang mga barangay sa Marawi City.
Ayon kay Brig. General Restituto Padilla, maliban sa binobomba ng militar ang mga lugar na ito dahil pinagkukutaan ng Maute-ISIS, nag-iiwan rin aniya ng bomba ang mga terorista sa bawat bahay o gusali na kanilang nililisan.
Sinabi ni Padilla na ito ang dahilan kayat matinding pag-iingat rin ang ginagawa nila ngayon dahil ayaw nilang malagay sa alanganin ang kanilang mga kasamahang sumasabak sa laban.
“Ang iniiwanan nilang gusali ay hindi libre sa anumang maaaring makasakit, pag umalis sila sa isang gusali, iniiwanan nila ng patibong yan, mga IED, mga pasabog at ano pang puwedeng makaantala sa galaw ng militar, kadalasan malakas ang inilalagay upang mapatay kung sino man ang papasok doon.” Ani Padilla
Battle zone visit
Samantala, tutol ang ground commanders ng Armed Forces at PNP o Philippine National Police sa Marawi City na dumalaw doon ang Pangulong Rodrigo Duterte sa mga panahong ito.
Ayon kay Padilla, Spokesman ng AFP, mas makabubuti kung magtutungo ang Pangulo sa Marawi kapag natapos na ng militar ang operasyon kontra Maute-ISIS.
Una nang sinabi ng Pangulo na nais niyang magtungo sa Marawi City ngayong anibersaryo ng pag-upo niya bilang Pangulo subalit handa niyang sundin ang magiging rekomendasyon ng militar.
“Alam naman po kasi ng ating mahal na Pangulo na meron pa tayong mga ginagawang operasyon kung gusto niya pong bumisita nirerespeto po niya yung kinakailangang nating gawin, mas mainam na tapusin muna natin ito bago po tayo magkaroon ng pagdalo ng mahal na Pangulo.” Pahayag ni Padilla
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
Pagkasira ng Marawi inihalintulad na sa Aleppo at Mosul was last modified: June 30th, 2017 by DWIZ 882