Kinumpirma mismo ni National Security Adviser at National Task Force on the West Philippine Sea Chairman Hermogenes Esperon na sinira na ng mga mangingisdang Tsino ang likas-yaman sa loob ng pinagtatalunang Scarborough o Panatag Shoal.
Ito’y makaraang dumulog sa Malacañang ang mga mangingisdang Pilipino mula sa bayan ng Masinloc sa Zambales para iparating ang paglimas ng Chinese Coast Guard sa kanilang mga huling isda.
Ayon kay Esperon, naiparating na nila sa Chinese Government ang naturang pangyayari at tiniyak sa kanilang iimbestigahan nila iyon.
Una rito, inihayag naman ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na kailangan munang maberipika ang naturang ulat bago sila magbigay ng pahayag kaugnay nito.
Isinisi naman ni Lorenzana sa administrasyong Aquino ang aniya’y mismanagement nito o ang hindi tamang pangangasiwa sa West Philippine Sea.
Binigyang diin ng kalihim na ang kawalan ng trade at turista mula sa China gayundin ang pagharang nila sa mga mangingisdang Pilipino ang dahilan kung bakit nagkaroon ng lamat ang relasyon ng dalawang bansa.
Samantala, iniimbestigahan na ng Chinese government ang napaulat na paglimas umano ng Chinese Coast Guard sa mga huling isda ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough o Panatag Shoal.
Ayon kay Chinese Foreign Ministry Spokesperson Geng Shuang, naroon ang kanilang Coast Guard para panatilihin ang kaayusan at kapayapaan sa bahaging iyon ng karagatan alinsunod sa batas.
Kahapon, iniharap sa publiko ng Malacañang ang mga mangingisdang nakaranas ng panlilimas ng Chinese Coast Guard sa kanilang mga huling isda.
Ayon kay Romel Cejuela, tila kontrolado ng mga Tsino ang anumang yamang dagat na nakukuha ng mga Pilipino sa naturang karagatan.
Bagama’t una nang sinabi ng Palasyo na hindi isang uri ng harassment kung maituturing ang sinapit ng mga Pilipinong mangingisda sa kamay ng China, umapela naman si Cujuela kung maaari’y limitahan ng mga Tsino ang pagsampa sa kanilang mga Bangka.
—-