Nanganganib na mawala ang halos 30 porsyento ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa sandaling maipasa ang panukalang budget sa 2016.
Ibinabala ito ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez, dating Immigration Commissioner sa harap ng panukala ng pamahalaan na agad ilagay sa National Treasury ang masisingil ng BI na express lane fees.
Ayon kay Rodriguez, sa BI express lane fees kinukuha ang pang-suweldo ng confidential agents at overtime services ng lahat ng tauhan ng Bureau of Immmigration.
Sakali aniyang ideposito ito sa National Treasury sa halip na sa special trust fund ng BI, magiging bahagi na ito ng general fund at hindi na puwedeng gamitin para sa sahod ng mga manggagawa ng BI.
Dahil dito, 133 nang mambabatas ang lumagda sa isang resolusyon para burahin sa panukalang budget ang probisyong nagsasabing dapat ilagay sa National Treasury ang koleksyon ng BI sa express lanes.
By Len Aguirre