Pinaiimbestigahan ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Guillermo Eleazar sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) gayundin sa lokal na pulisya ang ulat hinggil sa pagkawala ng apat na kabataan may apat na buwan na ang nakalilipas.
Ito’y ayon sa PNP Chief makaraang dumulog sa kaniya sa pamamagitan ng Facebook post ang isang Weng Kai Claudio na ipinadala kasabay ng kaniyang pagbisita sa Police Regional Office 12 o SOCCSKSARGEN.
Dahil dito, nakita ng PNP Chief ang pangangailangan para agad maaksyunan ang naturang sumbong kaya’t inatasan na niya ang CIDG ang lokal na pulisya na makipa-ugnayan sa mga magulang ng nawawalang mga kabataan dahil sa makatutulong ito sa kanilang paghahanap.
Bilang isang magulang din aniya, batid niya ang pasakit at dalamhating nararamdaman ng mga magulang ng mga nawawalang kabataan kaya’t nais niyang malaman ang katotohanan at managot ang mga dapat managot.
Kasunod niyan, hinikayat ng PNP Chief ang publiko na huwag mag-atubiling dumulog sa pamamagitan ng kanilang E-Sumbong program upang agad mabigyan ng kaukulang aksyon.—sa panulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)