Matindi ang naging epekto ng pagkawala ng pork barrel fund ng mga mambabatas sa PCSO o Philippine Charity Sweepstakes Office.
Ayon ka PCSO Chairman Erineo “Ayong” Maliksi, PCSO ang sumalo sa mga dating tinutulungan ng mga mambabatas sa pamamagitan ng kanilang pork barrel fund na inilalagay sa mga ospital.
Dahil dito, umamin si Maliksi na dumarating ang PCSO sa punto na nahuhuli ng halos dalawang buwan ang pagpapalabas nila ng bayad sa mga ospital na nabigyan nila ng guarantee letter para sa isang pasyente.
“Lalo pong dumami ang lumapit sa PCSO, yung mga dating natutulungan ng mga senador at congressman. Ang amin pong binibigyan ng mga guarantee letter ay update siya po Hulyo, mga 2 buwan, nag-iisyu po kami ng post-dated check eh, mabuti na lamang po yung mga ospital kung saan naka-confine ang mga humihingi ng tulong ay pumapayag na 2 buwan ang delay.” Ani Maliksi.
Kasabay nito, iginiit ni Maliksi na dapat magpasa na agad ng batas ang kongreso na maglilimita sa pondong dapat ibigay ng PCSO sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Ayon kay Maliksi, ang mga pondo na dapat sanay nagagamit nila sa charity ay naipapamahagi pa nila sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno dahil nakasaad ito sa batas.
Inihalimbawa ni Maliksi ang 100 milyong piso na kamakailan lamang ay ibinigay nila sa CHED o Commission on Higher Education.
“Yun pong mga batas na ipinasa ng kongreso ay nagtatadhana na talagang magbigay ang PCSO sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, eh hindi naman po mga charity ang nakalagay doon, katulad po ng CHED, sana naman huwag po sa PCSO manggaling, wala pong koneksyon sa charity work eh.” Pahayag ni Maliksi.
By Len Aguirre | Kasangga Mo Ang Langit