Iginiit ng Department of Justice (DOJ), na hindi maaapektuhan ng pagkawala ni suspended Bureau of Corrections (BuCor) Deputy Security Officer, Supt. Ricardo Zulueta ang pag-usad ng Lapid slay case.
Matatandaang sangkot ang pangalan ni Zulueta na itinuturong isa sa mga mastermind sa pagpatay sa batikang radio broadcaster-commentator na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.
Naniniwala si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na walang sinumang magtatangka o makikinabang sakaling may grupong nais gumawa ng masama kay Zulueta.
Ayon kay Remulla, hawak na ng mga otoridad ang mga matitibay na ebidensya at mga salaysay mula sa mga testigo na nagdidiin kay Zulueta sa krimen.
Matatandaang sa naging report ng BuCor, bago pa man ipinataw ng DOJ ang 90 days preventive suspension ay nag-AWOL o nag-absent without official leave na si Zulueta sa kanyang trabaho kung saan, hindi pa rin matukoy kung saan ito nagtatago.