Matagal nang dapat ibinigay ang titulo bilang National Artist sa aktres na si Nora Aunor.
Ito, ayon kay ACT-CIS Partylist Representative Nina Taduran, kasunod ng pagkilala sa aktres bilang National Artist matapos ang ilang taong pagbalewala sa nominasyon nito.
Nararapat lamang aniya kay Aunor ang pagkilala dahil sa dedikasyon at husay nito sa pag-arte.
Gayundin ang paggawa at pagganap nito sa makabuluhang mga pelikula, pagiging singer, producer, director, talent manager at hindi na mabilang na pagkilala hindi lamang sa pilipinas kundi sa ibang bansa.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mambabatas kay Pangulong Duterte sa pagkilala kay Aunor bilang kauna-unahang babaeng aktor at direktor na bibigyan ng pagkilala bilang National Artist for Film and Broadcast. —ulat mula kay Tina Nolasco (Patrol 11)