Magsisilbing “global recognition” ng ating karapatan bilang tunay na may ari ng West Philippine Sea ang pagkilala, pagtukoy at pagsama ng Google Maps sa West Philippine Sea.
Ayon kay Senator Joel Villanueva, isa itong malaking tagumpay ng bansa laban sa pambu-bully at pilit panghihimasok ng ibang bansa sa ating teritoryo.
Giit ni villanueva na wala namang duda na atin ang West Philippine Sea.
Naipanalo anya natin ito noong July 12, 2016 at mananatili itong totoo kahit ilang dekada at administrasyon pa ang dumaan.
Ang “milestone” na ito ay magiging mahalaga anya sa pagtuturo at pagbibigay kalinawan sa bawat Pilipino, lalo na sa mga bata, tungkol sa teritoryo at soberanya ng ating bansa sa tulong ng digital technology.
Dagdag pa niya na kung palalakasin natin ang ating naratibo ukol sa West Philippine Sea ay kailangan nating i-inspire at i-educate ang mga kabataan ukol dito.