Diskumpiyado si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada na kikilalanin ng bansang umaangkin sa West Philippine Sea ang ginawa ng Google Maps na pagsama sa WPS sa teritoryo ng Pilipinas.
Ayon sa Senador, kung ang desisyon ng International Tribunal sa The Hague Netherlands ay hindi iginalang ng bansa, mas malamang umano na pupunahin ang ginawa ng Google maps na pagsama sa record ng West Philippine Sea.
Dagdag pa ng mambabatas na subukan at tingnan na lamang ng Pilipinas kung makakatulong ito para mapalakas ang claim ng ating bansa sa West Phiippine Sea.
Samantala, para naman kay Senate Majority Leader Francis Tolentino, tagumpay ng bawat pilipino ang pagsama ng Google maps sa West Philippine Sea bilang bahagi ng ating teritoryo.
Patunay din anya ito na tama ang kasalukuyang patakaran ng gobyerno alinsunod sa international law at prinsipyo ng multilateralism.
Tuloy-tuloy anya ang paglawak ng pagkilala sa West Philippine Sea ng international community at mga respetadong institusyon.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)