Hindi ikinukunsidera ni Interior Secretary Mar Roxas na endorsement ang mga positibong pahayag sa kanya ni Pangulong Noynoy Aquino sa huling State of the Nation Address Nito, kahapon.
Ayon kay Roxas, isang affirmation at pasasalamat lamang sa kanyang mga nagawa bilang miyembro ng gabinete ang pagkilala sa kanya ng pangulo sa ulat nito sa bayan.
Isa rin aniya itong pahayag na pasado sa Punong Ehekutibo ang kanyang mga repormang ipinatupad sa sa ilalim ng tuwid na daan.
Gayunman, aminado si Roxas na ayaw na niyang pangunahan ang magiging desisyon ng Pangulo at ipauubaya na niya rito ang pagpili ng magiging kandidato ng Liberal Party para sa 2016 Presidential election.
Una rito, mistulan ngang inendorso na ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang huling State of the Nation Address si Interior Secretary Mar Roxas para sa 2016 Presidential elections.
Aminado si Pangulong Aquino na hindi maikakaila ang talino at husay sa pamamahala ni Roxas kaya ito inuulan ng kaliwa’t kanang batikos.
Ayon sa Pangulo, malinaw na natatakot sa kalihim ang kanyang mga kritiko kaya ito sinisiraan subalit hindi dapat dito magpatinag ang dating senador.
By Drew Nacino