Isinusulong sa mababang kapulungan ang pagkilala sa makabagong bayani sa gitna ng magkakasunod na bagyong nagpadapa sa ilang mga lugar sa bansa.
Sa inihaing house resolution 1345 ni Las Piñas City Congresswoman Camille Villar, layon nitong kilalanin at papurihan ang mga ‘first responders’ ng bagyo dahil sa muling pagsasabuhay ng ‘bayanihan’ sa gitna ng nararanasang unos.
Kabilang sa mga bibigyan ng pagkilala ang mga ‘men and women in uniform’, LGUs, NGOs, pribadong organisasyon, maging ang mga inidbidwal na nagpamalas ng pagtulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng kani-kanilang relief at rescue operations.
Pagdidiin pa ni Villar, sa kabila kasi ng mga limitasyon sa water at air assets ng bansa, ay nagawa pa rin ng ating mga rescuer ang kanilang makakaya para makapagligtas ng buhay.
Bukod pa rito, kinikilala rin sa resolusyon ni Villar ang naging ambag ng mga ‘ local at foreign organizations ‘ para sa patuloy nilang pag-aasiste ng mga pangangailangan ng mga nasalanta ng bagyo.