Hindi na lamang nakatutok sa isyu sa transportasyon ang ginagawang pagkilos ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytor Nationwide o PISTON at No to Jeepney Phaseout Coalition.
Ito ang inihayag ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB kasabay ng pagtitiyak na patuloy nilang imo-monitor ang PISTON bagama’t kinansela na nito ang nakatakda sana nilang malawakang tigil-pasada ngayong araw.
Ayon kay LTFRB Spokesperson Atty. Aileen Lizada, kasama na ng PISTON ang iba pang militanteng grupo tulad ng Gabriela, KMU at BAYAN kung saan kanilang inihahayag ang iba pang usapin sa bansa bukod sa jeepney phase out at modernization program.
Dagdag ni Lizada batay sa kanyang nakuhang impormasyon, tila hinihikayat na ni PISTON President George San Mateo ang publiko na mag-aklas laban kay Pangulong Rodrigo Duterte kapag hindi sila pinakinggan.
“If I’m not mistaken in the text message na we received na galing kay George San Mateo addressed to media, sinasabi po niya doon na pinapatigil nila ang PUJ modernization otherwise ito yung ibinigay sa akin, otherwise guguyurin nila ng mamamayan daw si President Duterte, so this is not anymore a transport issue, because they are now also building on peace and order, this is not proper so we need to be on top para ating i-monitor.” Pahayag ni Lizada
(Balitang Todong Lakas Interview)