Igagalang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang magiging pagkilos ng mga mambabatas sa impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ay sa kabila ng apela ng Pangulo sa kanyang mga kaalyado na tigilan na ang nilulutong pagpapatalsik sa puwesto kay Robredo.
Ayon kay Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, hindi ugali ng Pangulo na makialam sa trabaho ng kanyang cabinet secretaries, higit pa sa trabaho ng Kongreso dahil bukod itong sangay ng gobyerno.
Aniya, ang posisyon ng Pangulo sa impeachment kay Robredo ay personal lamang dahil sa ayaw nitong mawala ang focus ng mga mambabatas sa kanilang trabaho.
Samantala, siniguro naman ni Panelo na hindi makakaapekto sa trabaho ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang hayagang pagsuporta nito sa impeachment ni Robredo.
Double talk
Samantala, idinipensa ng kaalyado ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pabago- bagong pahayag nito kaugnay sa isinusulong na impeachment laban kay Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Ako Bicol partylist Rep. Rodel Batocabe, kilala naman ang Pangulo na inihahayag ang kanyang nararamdaman at sa oras na magbago ang nasa puso at isip nito ay siguradong ihahayag nito.
Samantala, nagbabala naman si Senador JV Ejercito kaugnay sa mga mambabatas at mga cabinet member na iwasan ang pagsasalita kaugnay sa impeachment ng Pangalawang Pangulo.
Aniya, posibleng magdulot ng political instability at makaapekto sa ekonomiya ng bansa.
By Rianne Briones