Maagang sinimulan ng ilang grupo ang kanilang programa ngayong anibersaryo ng martial law.
Isang prayer rally ang isinagawa sa Plaza Miranda sa Maynila bilang bahagi ng ika-46 na anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.
Dala ng mga dumalo ang mga karatula kung saan nakasulat ang mga pagkakapareho nina Pangulong Ferdinand Marcos at Rodrigo Duterte.
Kabilang sa mga dumalo at nagbigay ng kanilang mensahe si na Senador Risa Hontiveros at dating Representative Etta Rosales.
Bago ang rally, binatikos ni Rosales ang aniya ay kaawa-awang hakbang nina dating Senador Bongbong Marcos at dating Senador Juan Ponce Enrile na kontrahin ang namumuong mga pagkilos laban sa pamahalaan at mabago ang kasaysayan.
Tinukoy ni Rosales ang interview ni Marcos kay Enrile kung saan pawang taliwas sa mga nangyari noong martial law ang mga sinasabi ng senador.
“Nagkaroon ng paggunita tungkol sa dilim at kasakiman ni Marcos noong panahon ng martial law, nanawagan ang Anakbayan kasama ang mga madre, seminarians, mga kabataan, mga millennial na Never Again, na ipagpatuloy natin ang pagkilos natin para mamulat ang tao na huwag papayagan ang mismong pagbabago ng ating kasaysayan, dahil ang pinakamahalaga ay ang katotohanan.” Pahayag ni Rosales
(Balitang Todong Lakas Interview)